Your daily dose of updates from Pinoys in Taiwan and Philippines

Isko Moreno, uupo na ba bilang bagong DSWD secretary?


Wala pang sinabi ang kampo ni former Manila City Mayor Isko Moreno patungkol sa kumakalat na balitang uupo na siya bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa susunod na buwan o isang taon matapos ang pagtakbo niya bilang Pangulo ng bansa sa eleksyong naganap noong May 9, 2022.

 

Ayon sa batas, maaari lamang bigyan ng puwesto sa mga tanggapan ng pamahalaan ang mga natalong kandidato isang taon pagkatapos ng halalan na kanilang nilahukan.

 

Ayon sa manager ni Isko na si Edwin “Daddie Wowie” Roxas, wala silang napag-uusapan ng dating alkalde ng Maynila tungkol sa diumano’y nalalapit na appointment ni Isko bilang DSWD Secretary, na kasalukuyang pinanghahawakan ni Rex Gatchalian.

 

Sinabi ni Daddie Wowie, tinupad ni Isko ang pangako nito sa sariling magpapahinga muna mula sa pulitika, mag-aasikaso ng mga negosyo, at babalikan ang showbiz career pagkatapos ng kanyang hindi matagumpay na presidential bid noong nakaraang taon.

 

Gumawa ng isang pelikula si Isko nitong 2023, ang Martyr or Murderer, pinagkakaabalahan niya ngayon ang Scott Media Productions, ang producer ng Iskovery Night at Maritess University, ang mga online show na napapanood sa YouTube channel ng kanyang pag-aaring media company.

 

May mga haka-hakang kung sakaling ialok ng Marcos administratiom ang DSWD Secretary position kay Isko, may posibilidad na tanggapin niya ito.

 

Noong May 2018, tinanggap ni Isko ang alok ni former President Rodrigo Duterte bilang undersecretary para sa Luzon Affairs at special concerns ng DSWD kaya may kaalaman at karanasan na siya sa pamamalakad sa nabanggit na departamento.

 

Nanungkulan si Isko bilang DSWD undersecretary sa loob lamang ng limang buwan. Noong October 2018, iniwanan niya ang kanyang posisyon para kumandidatong mayor ng Maynila noong May 2019 at pinalad siyang magwagi.

Share:

No comments:

Post a Comment

Popular Posts

Blog Archive