Your daily dose of updates from Pinoys in Taiwan and Philippines

Ina natagpuang patay sa septic tank; anak suspek


Matapos ang apat na taong paghahanap sa isang ginang, natagpuan ng Dasmariñas, Cavite Police ang bangkay nito nang hukayin ang isang septic tank sa loob ng isang bahay.


Ayon sa pulisya, 2016 ng mawala ang biktimang kinilala bilang sa Ma. Evelyn Sayos, 54 taong gulang. Ngunit, noong taon na iyon, kwento ng kaniyang anak na si Jhoanna Marie Sayos sa kaniyang mga kapatid, nagtampo raw ang kanilang ina kung kaya napagdesisyunan nito na magpunta ng Singapore.

Nakumbinsi naman ang mga kapatid ni Jhoanna dahil taon-taon ay nakatatanggap di umano sila ng text message mula sa ina, lalo na sa kanilang birthday at mga espesyal na okasyon. Pagtuntong ng 2018, ay pormal ng ini-report na nawawala ang biktima.

Nang imbestigahan ng mga pulis si Jhoanna at ang kaniyang boyfriend na si Ronald James Rubi, napag-alaman na sila pala mismo ang gumawa sa karumal-dumal na krimen.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Richard Ang, hepe ng Dasmariñas police, lumilitaw na pinalo ni Rubi ng martilyo ang ginang matapos sabihing mayroon silang sorpresa para sa kaniya. Nang makita ni Jhoannna na may buhay pa ang ina, inutusan nito ang kaniyang nobyo na kumuha ng kutsilyo at saka nito pinagsasaksak sa leeg ang biktima.

“May hindi tapos na septic tank doon sa loob ng kanilang bakuran, nilagay niya ‘yong patay na magulang ng babae doon, umorder ng graba, semento, buhangin, hinalo niya, tinabunan niya doon. Tapos from time-to-time na umaamoy ‘yon, ang remedy na ginawa niya is dinadagdagan niya ulit ng semento,” saad ni Ang.

Nakilala ang biktima sa na-recover nitong I.D. at personal na gamit kasama ng bangkay. Samantala, nahaharap ngayon ang dalawa sa kasong murder na walang piyansa.
Share:

1 comment:

Popular Posts

Labels

Blog archive